Tuesday 29 May 2012

Minsan Tayong naging Puta

Intoy, Intoy! yan ang sigaw na sumisira sa tulog ko. Nakakasawa ng pakinggan ang pangalan ko na ginagamit na panggising sa akin ni Manang Henya “Tanghali na” sambit nya, kumain ka na at mahuhuli ka. Sa loob ng halos dalawang dekada na paninilbihan sa amin ni Manang Henya, tila naka-program na sa utak nya ang mga linyang yan na bawat umaga mo maririnig kasabay ang paghalo ng sinangag na halos araw-araw ang unang pagkain na nalalasahan ko.


“Nang Henya, may coffee mate pa ba tayo?, tanong ko. Kinuha ang upuan, sa edad nyang 67, malakas pa sya, inabot ang isang kahon na nakapatong sa estante sa kusina. O iho, coffee mate yan galing UK pero iba ang tatak, masarap daw yan sabi ng mami mo. Natawa na lang ako, naalala ko bigla yung panahon na kapag bumibili ako sa tindahan nila Aling Ilyang, “Pabili nga po ng Colgate, ung Close-up”. Certified Pinoy nga ako.


Sumisipol na ang takure, kinuha ko para maglagay sa tasa at magtimpla ng kape. Marahil, hindi pa bukas ang ulirat ko mula sa pagkakahimbing, napasobra ang lagay ko ng mainit na tubig, natapon sa lamesa, sabay sabi ko ng “puta”. Napatahimik ako, tumingin sa akin si Manang Henya at ngumiti. “Ako na diyan, umupo ka na at baka lumamig pa ang sinangag, sabay tabik sa balikat ko. Labing walong taon na rin pala ang lumipas mula ng una kong marinig ang salitang “puta”. Para akong nakulong sa patibong ni Puma Ley-Ar na kalaban ni Shaider sabay sabing Time Space Warp, Ngayon Din. Unti-unting bumalik ang mga oras na yon. Hindi pa pala ako nagpapakilala, ako ang bida sa kwentong ito, Ako si Wentworth Lee Forsythe Rivera Manzolim, kung bakit Intoy, hindi ko alam, hindi ko rin naman tinanong sa magulang ko. Nakagisnan ko na lang na tawaging Intoy ng pamilya ko. Pamilya ko?

Nagmula ako sa pamilyang matatawag kong konserbatibo. Isang pamilya na kung saan dapat kumilos ng naayon sa patakaran ng iba kong kamag-anak at higit sa lahat sa pamantayan ng mga matang nakamasid sa pamilya namin. Tatlo kaming magkakapatid, ako ang bunso. Nung mga oras na iyon, ang dalawa kong kapatid ay nasa Secondary School na at ako naman ay nasa ikatlong baitang na. May kaya ang pamilya namin kaya sa pribadong paaralan ako pinag-aral ng magulang ko, exclusive school for boys, school ng mga batang “konyo” , ika nga.

Alas siyete ng umaga, eksena sa gate ng school, maingay, magulo, hindi dahil takbuhan ang mga batang estudyante na tila takot mapagalitan ng mga terror nilang teacher, kung hindi dahil parating na ako at si Yaya Sabel. Nagkita-kita na naman ang mga reyna ng School Canteen namin, si yaya Sabel sampu ng mga kampon nya sa kulto. Iba ang grupo ni yaya, hindi uso sa kanila ang beso-beso, astig sila e, “High-Five” ang batian ng mga kaibigan nya.

O pumasok ka na sa classroom mo at baka ma-late ka pa, wag kang makikipag-away, mahal ang abogado ngayon, biro ni yaya. Ngumiti lang ako sabay takbo. Dahil sa laki ng bag ko na mas mabigat pa sa akin, si yaya na ang nagdadala noon sa classroom para na rin makasilay siya kay Tomas, yung pintor, hardinero, karpintero, kartero at gwardiya na rin siguro ng school. Hindi ko siya sinusumbong sa mommy ko kapalit ng ilang minutong paglalaro sa playground pag recess.


Mabilis ang oras, tumunog na ang bell, tanghalian na. Kanya kanyang takbuhan ang mga estudyante sa canteen, gaya ng inaasahan, andon si Yaya Sabel sa kuta nila. Isang malaking monoblock table. “Hello Yaya”, sabi ko. Umupo ako sa tabi nya, naka-nganga, naghihintay kung ano ang susunod na mangyayari. Talikod bunso, sabi nya, sabay taas ng damit ko sa likod. Kinuha ang bimpo at pinunasan ang likod ko para hindi daw ako matuyuan ng pawis at ubuhin kung hindi kakalbuhin siya ng mommy ko. Iyan ang laging sinasabi ni Yaya kapag ayaw kong sumunod sa gusto nya, kakalbuhin daw siya ni mommy. Dahil sa ayaw ko syang kalbuhin dahil lalong mapapansing na hindi sya kagandahan at lolokohin ako ng mga classmate ko kaya sumusunod na lang ako sa gusto nya. Habang nilalagyan nya ng polbo ang likod ko, bangka si yaya sa kwentuhan. “Putang ina nya” sabi ni Yaya. Ang kapal ng mukha nyang si Mabel. Puta sya. Dahil hindi ko alam ang ibig sabihin ng “puta” nakanga-nga na naman ako, kung may metro ng meralco na nakakabit sa bibig ko, sa malamang mataas na ang bill namin.

Kinulbit ko si Yaya, Anong ulam? Sa sandaling iyon, bumalik na ang kaluluwa nya sa katawang lupa nya. Kinuha ang plastic bag ng Mercury Drug, don nakalagay ang tupperware. Kanin, Embutido at saging ang tanghalian ko. Habang kumakain ako, di mawala sa rehistro ng utak ko ang salitang “puta”. Hindi ko na matandaan ang kasunod na nangyari, papasok na naman yata ako sa klase sa hapon. Computer, HeKaSi, MaPe at Religion ang mga subjects ko, pati nga pala Recess, nakalimutan ko ang pinaka-poborito kong subject, dahil makakapag-laro na uli ako ng sipa o batuhang bata. Ring... Ring... Ring... Ang bilis ng oras, uwian na naman, wala kaming cleaner gaya ng palagi kong naririnig sa iba kong kaibigan, may taga-linis kasi kami sa school, si Tomas nga, yung crush ni yaya. Sa mahal ng tuition fee na binabayaran ng mga magulang namin, baka ipasunog nila ang School pag nalaman nila na pinaglilinis ang mga estudyante doon.

Nakaabang na si Yaya sa pintuan ng Classroom, maputi na ang mukha nya gawa ng Johnson's Baby powder, kahati ko pala si Yaya sa supply ko. Senyales ang maputi nyang mukha na uwian na. Ngayong hapon, makikisabay kami kay Mikoy, grade 2 sya, nakatira malapit sa amin, may sundo kasi siya, stainless steel owner type jeep. Ngayon ko lang naisip, kick-back siguro ni yaya ang pamasahe namin kaya lagi kami nakikisabay pauwi.


Dumaan ang ilang araw, nakalimutan ko na ang ibang pangyayari, wala kasi akong diary noon e. Hiniram ni Mang Kardo, yung tiyo ni Mara, ay hindi , tito pala sya ni Clara, ung kapatid ni Mang Gary. Basta yun na yun. Sabado, walang pasok, asan nga ba ang magulang at mga kapatid ko? Si Kuya Mac, nasa manggahan daw, si Kuya Neil, nag-susuper mario. Si daddy at mommy? Ewan ko, asan nga ba? Ako? Nasa bakuran, gumagawa ng saltik, tirador yung tawag ng iba, tinutulungan ako ni Kuya Daniel, pinsan ko, inampon ni Daddy, pinag-aaral nya sa College. Binabalutan nya ng “goma” ang saltik na ginawa nya. Sa susunod, ikaw na gumawa ha, mag-aral ka, higpitan mo ang balot, ganito oh, tapos iikot mo. Sabi ni kuya sa akin, ng biglang.

Daniel, Daniel! May sumigaw, si mongki pala, bespren ng pinsan ko. “PUTA”, nakita ko si Madel sa bayan. Nanlaki ang mata ni Kuya Daniel. Sa pangalawang pagkakataon, narinig ko ang salitang puta. Nga-nga na naman ako. Ano nga ba ang “puta”? Bakit sa kapag babae ang nagsabi ng puta , mararamdaman mo ang galit, poot at sigalot sa puso nila, pero bakit kapag si mongki ang nagsabi, parang piyesta, parang may kwitis at Roman Candle na sumisindi habang binabanggit nya ang salitang iyon. Ako na ang nagtuloy ng pagtatali ng goma sa saltik ko, kailangan kong tapusin yon, para ma-saltik ko si Mongki dahil istorbo sya, imbes na wala akong gagawin, ako tuloy ang tatapos ng ginagawa ni kuya Daniel.

Sa wakas, umalis na si Mongki at hindi pa rin ako tapos sa pesteng paglagay ng goma sa saltik ko. O ano, bunso, tapos na ang saltik mo? Tanong ni Kuya Daniel. Kung nakakamatay ang tingin, patay na siguro ang pinsan ko dahil sa talim ng tingin ko sa kanya. Naramdaman siguro nya yon, kaya siya na ang tumapos. Effective pala ang Killer Look ko. Kuya Daniel, ano ang puta? Tiningnan nya lang ako. Kuya, Ano ang puta, inulit ko. Kung buhay na si Vice Ganda, makakatikim sya ng “Ano, gusto pa ng paulit ulit na tanong” . Pero dahil hindi pa sikat ang Vice Ganda Syndrome, Killer Look na lang ang panlaban ko pero hindi umubra yon sa pinsan ko. Pero lubha akong magaling mang-black mail. Sabi ko na lang, itatanong ko na lang kay Daddy. Natakot ang loko, nanalo ako. Ganito kasi yon, ang Puta, Entertainer sila. Ginagawa nila ang trabaho nila kapalit ng halaga. Dahil, isa't kalahating mang mang rin naman ako, naniwala ako sa kanya. Trabaho lang pala yon, naisip ko. Siguro inagawan ng trabaho ni Mabel si Yaya, kaya ganon na lang ang galit ni Yaya.


Intoy, Intoy! Lunes na naman pala ng umaga, Nguma-ngawa na naman si Manang Henya Ligo, kain, pasok sa school. Ganito na lang lagi. Ang tagal mag-Sabado. Sunod na naalala ko, recitation namin ngayon, si Uchiro, yung Japinoy na classmate ko, nasa unahan ng klase, ikekwento pala ang trabaho ng magulang namin. Si Papa, Manager ng Restaurant sa Japan, nagkikita lang kami once a year, pumupunta ako sa Japan pag bakasyon, pagmamalaki ni Uchiro. Si mama naman, “Entertainer”. Syempre, sumabat ako, alam ko yata ang meaning ng “Entertainer” ! Uchiro, “PUTA” pala ang nanay mo, sigaw ko sa klase.

Namutla si Uchiro, tumahimik ang klase, sabay nagtawanan. Umiyak si Uchiro. Sunod na eksena? Na-guidance office ako! Ako lang yata ang may hindi alam ng salitang “puta”. Paglabas ko sa office, may love letter na akong dala para sa parents ko. Kung ano man ang laman non, hindi ko rin alam. Hindi naman ako pinagalitan.

Habang lumalaki ako nalaman ko na ang kwento ni Mabel. Isa pala syang bayaran. Maraming lalaki ang nagpasasa sa katawan nya, ilang tao na kaya? Sampu? Kinse? Trenta? Sitenta? Dalawang Daan? Ang dami naman! Pero kung ilan man, si Mabel lang ang nakakaalam noon.

Intoy, Intoy. Tapik ni Manang Henya sa balikat ko. Hindi ka pa ba tapos, mahuhuli ka sa trabaho mo. Tapos na pala ang flashback ng buhay ko. Tumayo ako, naglakad papalayo sa kusina, malalim ang iniisip. Naligo, nagbihis, papasok sa trabaho. Habang nagmamaneho ako, naisip ko, puta si Mabel, puta rin pala ako. Ilang babae na nga ba ang nakatikim sa akin, ilang beses na rin pala akong nakipagtalik ng hindi ko naman kakilala. Ilang beses na rin nilang ginamit ang katawan ko. Wow! Feeling ko katawan ko lang ang gusto nila. Tumatawa ako habang nagmamaneho.

Maraming humusga kay Mabel. Pero marami rin palang katulad nyang puta, isa na ako ron. Isa ka rin marahil. Tama, pareho kaming puta ni Mabel. Kung ang basehan pala ng pagiging puta ay yung dami ng taong nakatalik mo, kasintahan mo man o hindi, pwes marami sa atin ang Puta! Ako, siguro ikaw, puta ka rin, pero ang pagkakaiba namin ni Mabel? Hindi ako nagpapabayad.


Disclaimer: This article is inspired by the original " Minsan May isang Puta" 

http://definitelyfilipino.com/blog/2011/04/10/minsan-may-isang-puta-2007/